Nakatakdang maglabas ng panibagong advisory ang Pilipinas para sa lahat ng mga Pinoy sa Myanmar na umalis na sa nasabing bansa hangga’t maaari.
Ito’y kasunod pa rin sa lumulubhang sitwasyon sa lugar kung saan 38 raliyista ang namatay noong Miyerkules.
Ayon kay Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. maglalabas sila ng advisory sa mga Pinoy na sinimulan na rin nilang palikasin sa naturang bansa.
Pahayag ito ng kalihim matapos mag-abiso na raw ang Singaporean government sa kanilang mga citizen sa Myanmar na ikonsidera na ang pag-alis sa bansa sa lalong madaling panahon dahil sa sitwasyon doon.
Noong Pebrero 15, na-repatriate ng DFA ang 139 Pilipino sa pamamagitan ng special flight mula sa Yangon ilang araw matapos maglunsad ng kudeta ang militar at ikinulong si State Counsellor Daw Aung San Suu Kyi at ilan pang mga elected officials.
Sinabi ni Locsin na dapat ay magtipon-tipon ang mga natitirang Pilipino sa Myanmar na nais makabalik na sa bansa upang makapag-ayos ng isa pang flight ang DFA at Philippine Embassy sa Yangon.
Noong Miyerkules nang lumabas ang mga ulat na 38 demonstrador ang namatay matapos ang inilunsad na crackdown ng militar at pulisya laban sa mga anti-coup protesters sa ilang lugar sa Myanmar.