-- Advertisements --

Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Austria na tinatrabaho na ng gobyerno ang mga kasong ihahain laban sa isang Slovenian national na akusado sa kaso ng pagpatay sa kanyang Pinay na asawa.

Ayon kay Philippine Ambassador to Austria Evangelina Lourdes A. Bernas , titiyakin ng pamahalaan maihahain ito sa lalong madaling panahon.

Ginawa ni Bernas ang pahayag kasabay ng pagkumpirma nito na nakatakdang iuwi ang bangkay ng biktima sa Cebu ngayong Sabado.

Batay sa post online ng naturang Embahada, sinabi nito na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs sa ina ng biktimang si Marvil Factura na siyang tatanggap sa katawan nito sa Negros Occidental.

Tinatapos na rin ng mga Slovenian authorities ang autopsy report para maisumite sa korte.

Una nang napaulat na pinatay si Factura ng kanyang asawa habang nasa bakasyon ito sa Bled, Slovenia noong December 29 , 2024 ilang linggo bago ito dumating sa naturang bansa.

Mariin namang kinondena ng gobyerno ng Pilipinas ang makahindik na pangyayaring ito at tiniyak ang hustisya para sa biktimang Pinay.