-- Advertisements --

Inamin ng Philippine Triathlon Team na nakararamdam sila ng pressure sa pagdepensa nila sa kanilang titulo sa darating na Southeast Asian (SEA) Games.

Hindi kasi makakalahok sa SEA Games ang top Pinoy triathlete na si Nikko Huelgas dahil sa natamo nitong injury, rason para mawalan ito ng tsansa na madepensahan ang kanyang korona.

Ayon kay Cebuano triathlete Andrew Kim Remolino, bagama’t pressured at may daga sa dibdib ay ibibigay nito ang lahat ng kanyang makakaya para makapagbigay ng karangalan sa bansa.

“May pressure talaga dahil kailangan depensahan natin ang gintong medalya sa SEA Games. Ibibigay ko lahat ng aking makakaya,’’ wika ni Remolino.

Maliban kay Remolino, pangungunahan din ni John Chicano ang kampanya ng men’s division sa biennial meet.

Habang sa panig naman ng kababaihan, tatampok ang reigning SEA Games women’s champion na si Kim Mangrobang, na sasamahan ng isa pang top triathlete na si Kim Kilgroe.

“They had gone through several qualifying events. The best two performers in those series of qualifiers have been chosen to do the individual races,’’ sambit naman ni Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president Tom Carrasco.