MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na tuloy ang pagbabakuna ng Pilipinas gamit ang COVID-19 vaccine ng AstraZeneca.
Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas ang ulat na may nakita ng ebidensya ang mga dalubhasa sa Europe tungkol sa ugnayan ng naturang bakuna at insidente ng “blood clotting” o pamumuo ng dugo sa ilang naturukan nito.
“Sinabi naman doon ng European Medicines Authority, although they found this link kailangan pag-aralan pa. It doesn’t give us that major indication to stop vaccinations,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa isang panayam sinabi ni Dr. Marco Cavaleri, chairman ng EMA vaccine evaluation team, na may natukoy na silang ebidensya tungkol sa ugnayan British-Swedish vaccine at mga insidente ng blood clotting.
“In my opinion, we can now say it, it is clear that there is an association (of the brain blood clots) with the vaccine. However, we still do not know what causes this reaction,” ani Dr. Cavaleri sa Il Messagero ng Italy.
Pero nilinaw ng mismong EMA na wala pa silang hatol dahil nagpapatuloy pa ang kanilang pag-aaral.
“We have not yet reached a conclusion and the review is currently ongoing,” sinabi ng ahensya sa Agence France-Presse.
Ayon sa Health department, tiyak na makakatanggap ng report ang Food and Drug Administration (FDA) sakaling may mga bagong impormasyon tungkol sa isang bakunang may emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas.
Kabilang ang bakuna ng AstraZeneca sa mga nagawaran ng emergency use sa bansa.
“Ang FDA ay binibigyan din ng mga ganitong dokumento at ebidensya para mapag-aralan. And then (FDA) will decide if they will recommend for us to stop temporarily, suspend, or continue on vaccination.”
Paliwanag ni Vergeire, ang pinakamahalagang rekomendasyon tungkol sa paggamit ng mga bakuna ay manggagaling sa World Health Organization.
Tiyak daw kasi na galing sa international scientific committee at dumaan sa evaluation ang kanilang datos bago i-rekomenda sa mga bansa.
“If WHO will give us the official statement that we should go continue on vaccinating, we will adopt this recommendation.”
Kamakailan nang aminin ng DOH na naubos na ang 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines ng bansa na mula sa COVAX Facility ng WHO.
Tiniyak naman ng ahensya na darating ang bagong supply ng European vaccine bago ang scheduled na ikalawang dose ng mga naturukan ng bakuna.
“There is this commitment from WHO, the doses will be delayed but wala naman silang sinabi na it will take until the end of May.”
“Base on studies, the longer the interval period between the first and second dose of this specific vaccine, mas mataas ang nagiging efficacy.”