Umapela ang Pilipinas sa gobyerno ng Cambodia na huwag sampahan ng kaso ang 13 Pinay na na-recruit bilang surrogate mothers.
Ayon kay Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) USec. in charge at Justice USec. Nicholas Ty, nakikiusap na ang Embahada ng Pilipinas sa Cambodia kung maaaring huwag ng ituloy ang paghahain ng kaso.
Aniya, sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang mga ito ay biktima ng human trafficking.
Ayon naman kay USec.Ty, matagal pang mananatili ang 13 buntis na Pinay sa Cambodia para mamonitor ang kanilang kalusugan at nasa kanilang sinapupunan.
Tiniyak naman ang opisyal na ipaglalaban ng pamahaan ang mga biktimang Pinay. Siniguro din nito na makakatanggap sila ng mga benipisyo mula sa pamahalaan gaya ng tulong pinansiyal, psycho-social support at tulong para makabalik sa lipunan.
Una na ngang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na ang 13 buntis na Pinay ay kabilang sa 20 Pinay na nasagip ng mga lokal na awtoridad sa Cambodia.
Inisyal na dinala ang mga ito sa Thailand na visa-free saka dinala patungo sa ibang bansa kabilang na nga ang Cambodia.