Ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa iabng mga bansa para sa mapayapang pagresolba sa disputes alinsunod sa international law.
Ito ang inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa kaniyang talumpati sa 78th United Nations General Assembly (UNGA) na ginanap sa New York City nitong linggo, oras sa Pilipinas.
Ayon sa kalihim, ito aniya ang katayuan ng Pilipinas pagdating sa disputes sa West PH Sea kung saan nakahanda aniya ang pamahalaan na depensahan ang ating soberaniya, territorial integrity at sovereign rights.
Binigyang diin din ni Sec. Manalo na siyang kumatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa UN General Assembly, ang panlabas na polisiya ng Pangulo na nananatiling “a friend to all, an enemy to none” ang Pilipinas.
Ngunit para magtagal ang multilateralismo o pagtutulungan ng mga bansa para makamit ang iisang layunin, sinabi ni Manalo na dapat sumunod ang lahat sa rule of law.
Ipinunto rin ng kalihim ang pagprotekta sa most vulnerable population pagdating sa mga epekto ng climate change.
Binanggit din ni Manalo ang isyu ng karapatang pantao, aniya ang Pilipinas ang nanguna sa pagbalangkas ng Convention on the Elimination of Discrimination Against Women at iba pa.
Sinabi din ng kalihim na mananatiling partner ang Pilipinas para sa kapayapaan.