Pahihiramin ng World Bank ng $370-million o katumbas ng P18.3-billion ang Pilipinas upang mapabilis pa ang programa ng gobyerno na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Ayon sa Department of Finance (DOF), gagamitin ang loan sa pagpapabilis ng pamimigay ng nasa 1.4-million hectares ng lupa na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Maliban dito, prayoridad din ang pagbibigay ng indibidwal na titulo sa nasabing mga lupa sa nasa 750,000 farmer-beneficiaries.
Nilagdaan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Achim Fock, acting country director ng World Bank, ang loan agreement noong Hulyo 14.
Sinabi ni Dominguez, ang nasabing proyekto ay magbibigay ng pagkakataon sa mga magsasaka na maka-access sa credit at government assistance.
“It will support our economic recovery program by intensifying assistance to farmers and making agrarian reform beneficiaries more resilient to the economic and social impacts of the COVID-19 pandemic,” wika ni Dominguez.
Sa ilalim ng proyekto, hahatiin sa mga indibidwal na titulo ang collective certificate of land ownership awards (CCLOA) para sa 750,000 agrarian reform beneficiaries.