Nagsanib-pwersa ang Philippine Air Force kasama ang United States Pacific Air Force para sa isang bilateral integration exercise na binansagang “Iron Blade” exercise sa Pampanga at Cebu.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma Consuelo Castillo, kasama sa naturang pagsasanay ang 2 FA-50PH fighter aircraft mula sa PAF, 2 US Air Force FA-22 fighter aircraft at isang US Air Force C-130 Hercules transport aircraft.
Nagsagawa ang mga ito ng formation flights sa pagitan ng Basa Air Base sa Pampanga at Brigadier General Benito N. Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu nitong Biyernes.
Maliban sa aerial manuevers, nagbahagi din ang mga personnel ng PAF at US Pacific Air Force ng kanilang kadalubhasaan na nakatutok sa flight operations at maintenance na ginanap sa Pampanga habang isinagawa naman ang cargo-related exchanges sa Mactan, Cebu.
Ang Iron Blade exercise ay bahagi ng redeployment activities ng US Pacific Air Force at isa sa ang Pilipinas sa kanilang stopover points bago tumungo sa Kadena Air Base sa Japan.