-- Advertisements --

Nagsagawa ng joint air patrols at intercept training ang Philippine Air Force (PAF) at US Air Force sa West Philippine Sea nitong Martes upang palakasin ang kanilang koordinasyon at air domain awareness.

Dalawang FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force at dalawang US B1-B bombers ang lumahok sa pagsasanay, na isinagawa sa kanlurang baybayin ng Pilipinas. Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, ang bombers ay nagmula sa isang kalapit na base ngunit hindi dumaong sa bansa.

Kasama sa ruta ng patrol ang Bajo de Masinloc, bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ngunit kontrolado ng China mula pa noong 2012.

Bagamat inaasahan ang posibleng hamon mula sa mga banyagang sasakyang panghimpapawid, tiniyak ng PAF na ang kanilang operasyon ay alinsunod sa international rules-based order.

Iginiit din ni Castillo na ang pagsasanay ay bahagi ng regular na drills at hindi direktang konektado sa tensiyon sa rehiyon dahil sa presensya ng mga barko ng China.