-- Advertisements --

Nagsagawa ng joint maritime activities ang armed at defense forces ng Pilipinas kasama ang mga kaalyadong bansa na Amerika at Japan sa loob ng West Philippine Sea ngayong araw ng Biyernes, Disyembre 6.

Ang naturang pagsasanay ay ang ikalimang Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA).

Kabilang sa mga kalahok ay ang P-8A Poseidon ng US Navy mula sa Patrol Squadron 47, ang BRP Andres Bonifacio at C-90 ng Philippine Navy at ang Japan Maritime Self Defense Force’s Murasame-class destroyer JS Samidare (DD 106).

Sa isang statement, sinabi ng US Indo-Pacific Command na ang naturang pagsasanay ay nagpapakita ng commitment ng 3 bansa para mapahusay ang regional at international cooperation para sa malaya at bukas na Indo-Pacific region.

Nilinaw din ng US Indo-Pacific Command na isinagawa ang naturang pagsasanay alinsunod sa international law at salig sa ligtas na paglalayag at karapatan at interes ng ibang mga estado.

Samantala, nauna naman ng nagsagawa ang Armed Forces of the Philippines kasama ang Australia, Japan at US ng pre-sail conference sakay ng Japan Maritime Self-Defense Force’s JS Samidare (DD106) sa Pier 15 sa lungsod ng Maynila noong December 4 bilang parte ng 5th MMCA.

Dito, nagpalitan ng best practices at operational insights ang maritime defense experts base sa isang statement na inilabas ng AFP ngayong araw.

Kinumpirma din ng AFP ang pagsasagawa ng naturang pagsasanay sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ngayong araw.