Patuloy pa rin ang isinasagawang joint counter-terrorism war games ng magkaalyadong puwersa ng Philippine Army at ng Estados Unidos sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) na nais nang ipakansela ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Demy Zagala, ang counter-terrorism exercise sa taong ito ay tinawag na PH-US Balance Piston 20-1 na nagsimula noong January 26 at tatagal hanggang February 23.
Sinabi pa ni Zagala, kabilang sa kalahok sa war games ay ang 1st Special Forces Group (Airborne) ng United States Army at ang 18th Special Forces Company, Special Forces Regiment (Airborne) ng Philippine Army.
Ang Balance Piston, ay kabilang sa bilateral exercises at engagements sa pagitan ng US at Pilipinas sa ilalim ng VFA at siyang pinakamahabang war games sa pagitan ng US at Pinoy troops.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang pawalang bisa ang VFA matapos kanselahin ng US ang visa ni Dela Rosa na ayon sa mga kritiko ay “knee jerk” at isang malaking kalokohan at hindi pinag-isipan ng malalim.
Samantala, inihayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ihahanda nila ang report kay Pangulong Duterte hinggil sa negatibo at positibong epekto kapag tinapos na ng Pilipinas ang VFA sa Amerika.
Nagpulong naman sina Philippine Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay at si United States Army Pacific (USARPAC) deputy commanding general Major Gen. John Johnson na paigtingin pa ang kapabilidad ng dalawang magkaalyadong puwersa sa ginanap na ika-8th Executive Steering Group Meeting sa Fort Bonifacio kamakalawa.
“We have come prepared and determined to plan out the next actions that will further strengthen our alliance. I am confident that we are moving in the right direction towards ensuring that the alliance remains strong, dynamic and relevant,” pahayag naman ni Gapay.