Pormal na magsisimula sa Lunes, October 3 sa Philippine Navy Officers Club ang taunang Kamandag Military Exercise sa pagitan ng Philippine Marine Corps (PMC) at United States Armed Forces, 31st at 11th Marine Expeditionary Units.
Ang mga aktibidad ng Kamandag Exercise o “Kaagapay ng mga Mandirigma ng Dagat” ay isasagawa sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Batanes, at Palawan mula October 3 hanggang October 14.
Ang Philippine at US Marines ay sabayang magsasanay sa Special Operations, Coastal Defense Capability, Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) Operations, at Chemical, Biological, Radiological, Nuclear (CBRN) Operations.
Kalahok sa pagsasanay ang 530 Philippine Marines at 2,550 U.S. Marines; kasama ang 100 tauhan ng Philippine Navy at Philippine Air Force.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay lalahok din bilang observers ang Japan Ground Self-Defense Force at Republic of Korea Marine Corps.
Sinabi ni PMC Commandant, Maj. Gen. Charlton Sean Gaerlan na ang pagsasanay ay magandang pagkakataon para matutunan ang mga technique, taktika, at proseso ng kanilang mga kaalyado, upang mapahusay ang interoperability strategy ng Philippine Marine Corps.