Hindi dapat ikaalarma ang presensiya ng mga barko ng US sa West Philippine Sea, lalo na ang USS Wasp na isang multi-purpose amphibious assault vessel na may bitbit na mga F-35B aircraft.
Ayon kay Ph-US Balikatan Exercise Director for Philippine side Lt. Gen. Gilbert Gapay, ang pagdami ng kakayahan na ginamit para sa joint war games ay walang pinatutungkulan na sinuman at “purely for exercises” lamang.
Aniya, noong 2018 pa nila pinagplanuhan ang mga nasabing aktibidad kaya malabo na may kinalaman ito sa mga ginagawang hakbang ng China.
Ayon pa kay Gapay, tumaas ng 30 percent in terms of personnel na mga kalahok at mga capabilities na ginamit sa balikatan ngayong taon.
Kaugnay nito, walang makakapigil sa Pilipinas at Estados Unidos na maglakbay sa mga itinuturing na international waters and airspace partikular sa may bahagi ng West Philippine Sea.
Ito ang binigyang-diin nina Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Benjamin Madrigal at US Marine Corps, Commanding General, III Marine Expeditionary Force Lt. Gen Eric Smith.
Sa panayam kay AFP Chief Madrigal, kaniyang sinabi na magpapatuloy ang routine ng mga sundalong Filipino lalo na ang mga nagbabantay at nagpapatrolya sa teritoryo ng bansa.
Kapwa hindi nagpatinag sina Madrigal at Smith sa naging banta ng Chinese Foreign Ministry na lalong tataas ang tensyon sa West Philippine Sea dahil sa presensiya ng mga barko ng US sa lugar.
Ayon kay Smith, walang paglabag ang US dahil ang kanilang paglalakbay ay naaayon sa international laws.
Bago pa aniya nag-umpisa ang balikatan ay naglalakbay na ang USS Wasp.