MANILA – Ikinokonsidera ng Department of Defense ang lahat ng “options” para solusyunan ang umiinit na usapin sa West Philippine Sea dulot ng presensya ng mga barko ng China sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Sa isang statement, sinabi ni Department of Defense Spokesperson Arsenio Andolong na kabilang dito ang “partnership” ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sinabi ni Andolong na patunay ng matatag na samahan ng Pilipinas at Amerika ang binitawang babala ng Estados Unidos sa China.
Ito’y matapos ihayag ni US State Department Spokesperson Ned Price na ipagtatanggol ng US ang Pilipinas sa anumang pag-atake sa mga sasakayang pandigma o pampubliko ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa ilalim ng mutual Defense Treaty.
Ayon kay Andolong patuloy na nag-uusap ang Pilipinas at Amerika patungkol sa mutual Defense.
Giit ni Andolong, determinado ang Pilipinas na ipagtanggol ang pambansang interes kasabay ng pagtataguyod ng seguridad at stabilidad sa rehiyon sa pamamagitan ng pamamaraan na naayon sa batas.