-- Advertisements --
Sinovac Reuters
IMAGE | Sinovac Biotech COVID-19 vaccine/Reuters

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na dadaan din sa imbestigasyon ng local experts ang ulat na nagdadawit sa Chinese pharmaceutical company na Sinovac sa kaso ng bribery o panunuhol.

Pahayag na ito ng ahensya ay kasunod ng lumabas na report tungkol sa hinarap na bribery charges ng kompanya noong 2003 at 2009.

“We are aware of what’s happening… so this will also form part of the work of the vaccine expert panel (VEP), they will assess the veracity of the report kung may katotohanan man ito,” ani Health Sec. Francisco Duque III.

“Hindi natin masabi kung may kwestyonableng pinanggalingan yung ganitong mga ulat. So the thing to do is to validate,” dagdag na kalihim.

Sa artikulo ng pahayagang The Washington Post sa Amerika, sinasabing nasangkot sa panunuhol ang chief executive officer ng Sinovac. May mga record umano ang korte sa China kung saan inamin ng company official na binayaran niya ng higit $83,000 ang isang regulatory official mula 2002 hanggang 2011, kapalit ng mabilis na proseso sa certificate ng kanilang mga bakuna.

“Sinovac has acknowledged the bribery case involving its CEO, saying in regulatory filings that he cooperated with prosecutors and was not charged. The CEO said in testimony he could not refuse demands for money from a regulatory official,” nakasaad sa artikulo.

Nangyari raw ang insidente bago simulan ng kompanya ang kanilang clinical trial noon sa bakuna laban sa SARS at swine flu. 

Noong 2017 nang sintensyahan ng 10-taong pagkakakulong ang regulatory official na tumanggap ng suhol. Ang nasangkot na CEO naman ng Sinovac, balik sa kanyang trabaho matapos na hindi ituloy ang kaso laban sa kanya.

Lumalabas din sa report na 20 government officials at hospital administrators sa China ang umamin sa korte na mula 2008 hanggang 2016 ay tumanggap sila ng suhol mula sa ilang empleyado ng Sinovac.

Sa huling annual report na inilabas ng kompanya nitong Abril, sinabi ng Sinovac na wala pa ring isinasampang kaso ang Chinese authorities sa kanilang CEO. Pero mahigpit daw ang ipinapatupad nilang mga polisiya ngayon laban sa korupsyon sa loob ng kompanya.

“Sinovac’s Yin Weidong, now 56, was not charged and continues to oversee the company’s coronavirus-vaccine drive this year.”

SINOVAC: “FRONTRUNNER” SA COVID-19 VACCINE DEVELOPMENT

Isa ang Sinovac sa mga nangungunang pharmaceutical companies sa buong mundo ngayon pagdating sa development ng COVID-19 vaccine.

Dito sa Pilipinas, sila ang unang nakatanggap ng approval mula sa vaccine expert panel noong Oktubre. Sa ngayon, hinihintay pa nila ang resulta ng evaluation ng ethics review board para umusad sa Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang aplikasyon para sa clinical trial.

Hindi tulad ng mga kompanya mula Amerika, Europe, at Russia, wala pang inilalabas na report ang Sinovac tungkol sa pagiging epektibo ng kanilang bakuna.

Pero sa artikulong ipinublish sa kilalang research journal na The Lancet, sinasabing nakapag-bigay ng agarang immune response ng bakuna ng Sinovac nang pag-aralan noong Abril at Mayo.

“Taking safety, immunogenicity, and production capacity into account, the 3 μg dose of CoronaVac is the suggested dose for efficacy assessment in future phase 3 trials,” ayon sa pag-aaral.

Ayon kay Sec. Duque, kung mapapatunayan daw na totoo ang report, kailangan nilang timbangin kasama ang ethics review board at FDA kung papayagan bang makapasok ang bakuna ng Sinovac sa Pilipinas. 

“If true, then its up for the VEP to include this to their final report and also FDA, kaya nga may Single Joint Ethics Review Board para makita ito at hindi tayo mabibiktima sa mga kwestyonableng transaksyon.” (with reports from The Washington Post)