-- Advertisements --

Walang naitalang bagong kaso ng bird flu ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa loob ng isang linggong monitoring ng ahensiya.

Ito ang unang pagkakataon sa loob ng halos isang taon na walang naitala sa bansa na bagong aktibong kaso o outbreak ng avian influenza.

Batay sa record ng BAI, mayroon pang 136 barangay mula sa kabuuang 53 siyudad at munisipalidad sa buong bansa ang natukoy na apektado ng bird flu.

Ang mga ito ay mula sa siyam na probinsya at limang rehiyon.

Mula sa limampu’t tatlong munisipalidad at syudad, 51 ang nag-ulat na wala nang kaso ng bird flu sa loob ng 90 araw habang ang nalalabi ay wala na ring outbreak mula 31 hanggang 60 araw.

Sa kasalukuyan, 17 probinsya na sa buong Pilipinas ang naideklara bilang bird flu free. Kinabibilangan ito ng Aurora, Batangas, Cagayan, Camarines Sur, Capiz, Cotabato, Davao del Sur, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Leyte, Maguindanao del Sur, Pangasinan, Quezon, Rizal, South Cotabato at Sultan Kudarat.

Kung ikukumpara sa nakalipas na taon, 154 na barangay mula sa 66 na siyudad at munisipalidad ang apektado ng bird flu.

Sa kaparehong period noong nakalipas na taon, tanging 14 na probinsya pa lamang ang nalilinis mula sa epekto ng bird flu.