Umaasa ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) na makakahablot sila ng apat hanggang limang medalya sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games kung saan magiging host ang Pilipinas.
Ayon kay SWP President Monico Puentevella, malaki ang tiwala nitong may bitbit na sorpresa ang kanyang tropa na pangungunahan ng mga beteranong sina Hidilyn Diaz at Nestor Colonia.
Ibinahagi rin ni Puentevella na ang SEA Games ay bahagi ng kanilang long term plan na naglalayong magpadala pa ng mas maraming mga Pinoy weightlifters sa 2020 Tokyo Olympics at maging sa 2024 Paris Olympic Games.
Maging si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez ay tiwala rin sa kakayahan ng mga weightlifters, na posible ring panggalingan ng mga medalya ng Pilipinas.
Bago ang SEA Games, sumabak sa 2019 International Weightlifting Federation (IWF) World Championships si Diaz sa Thailand kung saan tumipon ito ng dalawang bronze medals.
Samantala, umaasa naman si Colomia na makakabawi ito sa naging performance nito noong 2017 SEA Games sa Malaysia kung saan nakuntento lamang ito sa ikalimang puwesto.