Tiniyak ng Wushu Federation of the Philippines na maganda ang ipapakita ng kanilang mga atleta sa papalapit nang 2019 Southeast Asian Games kung saan host ang Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Wushu secretary-general Julian Camacho na tatlong buwan nang nagsasanay mga miyembro ng sanda team sa China.
Bago umuwi sa bansa sa Nobyembre, lalahok daw muna ang mga sanda athletes sa 15th World Wushu Championships sa darating na Oktubre 20 hanggang 23 sa Shanghai.
Habang ang taolu athletes naman ayon kay Camacho, ay nakauwi na raw sa bansa buhat sa Fujian at dito ipagpapatuloy ang preparasyon.
Inihayag pa ni Camacho na sasandal sila sa kanilang mga beteranong atleta na siguradong makakasungkit ng mga medalya sa regional meet.
Partikular na tinukoy ni Camacho sina Agatha Wong, Daniel Parantac, at Divine Wally.
Ibinulsa ni Wong ang tig-isang gold at silver medals noong 2017 SEA Games, habang dumagit naman ito ng bronze noong 2018 Asian Games.
Si Parantac ay isang SEA Games gold winner noong 2013 at 2015, samantalang bronze medalist naman si Wally noong Asiad sa Indonesia.