Inaasahan umanong maabot ng mga pribadong ospital ang kanilang full capacity sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo kung magpatuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Kung maaalala, nitong nagdaang mga araw ay pumapalo sa 3,000 ang panibagong mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Kahapon nang maitala ng bansa ang pinakamataas na kaso sa loob ng isang araw mula Setyembre noong nakalipas na taon.
Ayon kay Dr. Jose Rene De Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP), maaaring ganito ang sapitin ng mga pribadong pagamutan sa bansa kung wala raw gagawing hakbang upang malabanan ito.
Umaasa naman si De Grano na hindi na aabot sa puntong mananawagang muli ng timeout ang mga healthcare workers.
Naniniwala rin ang doktor na may naitutulong ang mga ipinatutupad na curfew at localized lockdowns sa ilang mga lugar sa bansa dahil napipigilan nito ang paglabas ng mga tao na hindi naman kailangan.
Samantala, inihayag ni De Grano na kailangan na ng mga pribadong ospital ng tulong mula sa pamahalaan para maresolba ang tatlong pangunahing problema, ang pondo, staffing, at vaccination.