-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Tiniyak ng pamunuan ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) na walang pagtaas sa presyo ng mga gamot na inaangkat sa ibang mga bansa sa kabila ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at ang nagaganap na kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Dr. Beaver Tamesis, Chairman ng PHAP na hindi sila nagtaas sa presyo ng kanilang mga produktong Gamot sa kabila na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Magmula anya noong nagsimula ang pandemya ay hindi sila nagtaas ng presyo ng mga gamot na kanilang binibili sa ibang bansa sa kabila na limitado o pahirapan ang biyahe ng mga eroplano.

Sinabi ni Dr. Tamesis na sa ngayon ay maganda ang financial management ng Pilipinas pangunahin na ang Gross International Reserve ng bansa na malaking bagay para protektahan ang palitan ng Peso Kontra Dolyar.

Ayon kay Dr. Tamesis na kung humina o bumagsak ang palitan ng Peso kontra Dolyar ay mapipilitan silang magtaas sa presyo ng mga gamot …Ang karagdagan anyang gastusin sa pagbiyahe sa mga gamot sa panahon ng pandemya ay hindi na ipinasa sa mga consumers bagkus ay sinalo na ng PHAP.

Aminado naman si Tamesis na mayroong pagkakataon na nakokontrol ang presyo ng mga gamot pangunahin na sa mga crisis areas dahil may batas may kaugnayan dito

Habang ang mungkahi ng DOH na makontrol ng pamahalaan ang presyo ng Gamot ay kinakailangan naman ang pag-usap kung ilan ang volume na bibilhin ng gamot dahil mahirap ang pagbili ng tingi tingi sa world market..

Nilinaw naman ni Dr. Tamesis na hindi apektado ng pag-atake ng Russia sa Ukraine ang pagbili nila ng mga gamot ngunit kung lumawak ang giyera at kumalat sa buong Europe ay maaring maapektuhan at malaking problema ito para sa Pilipinas..Samantala, hinimok ni Dr. Tamesis ang publiko na iwasang tangkilikin ang mga pekeng gamot at bumili lamang sa mga accreditted drugstores.

Kaugnay naman sa online shopping ng mga gamot ay mas makakabuting huwag nang tangkilikin.