Inaasahan sa buwan ng Hulyo malalaman ang preliminary result sa isinagawang phase 1 ng clinical trial para sa isa pang posibleng gamot panlaban sa coronavirus disease.
Sa unang parte ng pag-aaral, 130 volunteers mula sa Melbourne at Brisbane, Australia ang tatanggap ng dalawang dose ng NVX- Cov2373 at kapag naging matagumpay ay kaagad isasagawa ang ikalawang phase ng trial.
Noong Abril nang matuklasan ng mga scientists mula sa Maryland-based biotechnology company na Novavax Inc. ang naturang gamot kung saan plano nitong gamitin ang Marix-M adjuvant upang pagbutihin ang immune responses.
Ginagamit ang adjuvants para gumawa ng vaccines na makatutulong para palakasin ang immune response ng isang indibidwal sa pamamagitan ng pagpo-produce ng mas marami pang antibodies.
Ayon sa Novavax, kaya nitong gumawa ng halos 100 milyong doses ngayong taon at 1.2 billion naman sa 2021.
Sa ngayon ay halos isang dosenang experimental vaccines na ang nasa early stage ng testing sa China, United States at Europe.
Hindi man malinaw kung ang mga gamot na ito ay magiging ligtas at epektibo ngunit dahil na rin sa pagkaka-isa ng iba’t ibang biotech companies sa buong mundo ay mas lalong lumalaki ang pag-asa na isang araw ay magkakaroon na ng lunas ang COVID-19.