-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Inaasahang matatapos na sa taong 2020 ang Phase 2 ng pagsasaayos at pagpapalapad ng kalsada sa isla ng Boracay.

Ito ang kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar sa muling pagbisita at pagsagawa ng ocular inspection sa patapos nang proyekto sa Phase I.

Nasa P300 million ang pondo para sa naturang proyekto na nagsimula sa Elizalde Compound hanggang sa Tambisaan Port.

Naging malaking hamon umano sa kanila ang pakikipag-usap sa mga establisyementong apektado ng road rehabilitation, subalit napapayag rin ang mga ito para sa mas mabilis na trabaho sa isla.

Una rito, binigyan ng ultimatum ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) ang ilang establisimyentong lumabag sa 6 meters na road easement mula sa gitna ng kalsada at 25+5 meter easement rule sa baybayin.

Kapag hindi umano nag-self demolish ang mga ito, sila ang titibag.

Nabatid na mahigit sa P490 million ang itinakdang pondo ng DPWH sa Phase I na ginamit sa pagsasaayos ng kalsada mula sa Cagban Port hanggang sa Bolabog Boulevard.