Inaasikaso na ang implementasyon ng Phase 3 ng Service Contracting Program para matugunan ang mobility needs ng mga mananakay ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa isang statement, sinabi ng DOTr na ang P7 billion na pondo para sa Phase 3 ng Service Contracting program ay inilabas na ng Department of Budget and management noong nakalipas na linggo at downloaded na sa LTFRB noong Marso 23.
Ayon kay Transportation Secretary Tugade, ito ay magbibigay sa mga drivers at operators ng regular payouts sa gitna ng nararanasang mataas na presyo ng langis at inflation, gayundin sa pamamgitan ng Service Contracting maipagpapatuloy ang Libreng Sakay program na ipapatupad sa buong bansa,
Samantala, ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III , inaantay na lamang resulta ng aplikasyon nito para sa exemption sa disbursement mula sa Commission on Elections bago ipatupad ang Phase 3 ng Service Contracting Program sa panahon ng halalan.
Sa oras aniya na maexempt mula sa spending ban ang ahensiya, sisimulan na agad ang programa.
Ayon pa kay Delgra, kasalukuyang nagsasagawa na ng orientation sa lahat ng operators sa buong bansa para sa naturang programa at pinagsusumite na rin ang mga operators ng documentary requirements bilang attachments sa kanilang service contracts.
Sa pagtaya ng LTFRB, nasa 93 million ang mga mananakay ang maitatala sa implementasyon ng Phase 3 ng Service Contracting program.
Makakatanggap din ang mga PUV operators ng one-time incentive na P5000 per unit para mapunan ang kanilang opearting expenses habang ang operational incentives naman ay ipapamahagi kada linggo.
Magtatagal ang phase 3 ng naturang programa kasabay ang implementasyon ng Libreng sakay Program mula Marso hanggang Disyembre ngayong taon o hanggang sa magamit lahat ng pondong inilaan sa naturang programa.