Pinasusuri ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Supreme Court ang tinawag niyang “phenomenon” ng pag-inhibit ng mga huwes sa kaso.
Sa interpellation ni Pimentel sa panukalang 2024 budget ng Judiciary, ipinunto ni Pimentel ang kaso ni dating Senadora Leila De Lima.
Ayon sa Minority Leader, hindi dapat umaatras ang mga huwes sa kaso dahil lang mainit ang isyu at hindi ito patas sa nasasakdal lalo na kung naka-detain ito habang dinidinig ang kaso.
Sinisiguro naman ni Senador Sonny Angara, na siyang nagdepensa sa panukalang pondo ng hudikatura, na minomonitor na ng korte suprema ang isyung ito.
Sa ngayon ay hiningian na aniya ng korte suprema ang mga judge ng kopya ng kanyang orders of inhibition.
Matatandaang nag-inhibit ang ikalawang judge sa natitirang kaso ni dating Senadora De Lima nitong hulyo para umano masiguro na patas ang magiging desisyon matapos hawakan ang isa sa nauna nitong kaso.