-- Advertisements --

Nakatakdang ipakita ng Philippine Air Force (PAF) ang kapabilidad sa territorial defense kasabay ng magiging selebrasyon nito sa ika- 77 founding anniversary sa July 1.

Magsisilbing highlight ng selebrasyon ang naturang simulation, ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo.

Ang magiging scenario ng simulation ay ang pagbawi sa isang teritoryo na kasalukuyang hawak ng enemy forces kung saan gagamit dito ang Air Force ng ibat ibang mga taktika at kapabilidad upang makuha muli ang naturang teritoryo.

Kabilang sa mga ipapakitang taktika dito ay airstrike, intelligence, reconnaissance, at surveillance sa lugar, gamit ang mga unmanned aerial vehicles (UAVs).

Gagamitin din dito aniya ang mga Black Hawk helicopters ng Air Force.

Ipapakita rin ng Air Force ang bagong Ground-Based Aerial Defense System (GBADS) na may kakayahang mag-detect, tumukoy, at mag-seutralize sa aircraft ng mga kalaban.

Ang naturang defense system ay kinikilala bilang isa sa mga pangunahing defense system sa buong mundo. Ginagamit din ito upang i-neutralize ang mga surveillance threat.

Nabili ito ng Department of National Defense (DND) mula sa Israel sa ilalim ng Horizon 2 project ng Armed Forces of the Philippines (AFP) modernization program.

Magsisilbing pangunahing venue naman ang Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga.