-- Advertisements --

Isinasagawa ng Philippine Air Force (PAF) ang pagsasanay kasama ang Philippine Navy (PN) upang mapahusay ang kakayahan ng kanilang mga helicopter sa paglapag sa mga barko.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, layunin ng ship deck operations training na tiyakin ang kakayahan ng PAF helicopters sa maritime operations.

Ang pahayag ay kasunod ng insidente noong Peb. 18 kung saan isang Chinese Navy helicopter ang nagsagawa ng mapanganib na flight maneuvers laban sa isang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft na nagsasagawa ng maritime patrol sa Bajo de Masinloc.

Sinabi naman ni Castillo na bagamat may partikular na operational requirements sa iba’t ibang lugar, may kakayahan ang kanilang helicopters para sa ship deck operations.

Ang mga barkong ginamit sa pagsasanay ay ang landing dock vessels na BRP Tarlac (LD-601) at BRP Davao Del Sur (LD-602), pati na rin ang malalaking transport ships ng PH Navy.