NAGA CITY- Binuksan na ng 96th Infantry Batallion (IB), Philippine Army ang kanilang kampo para sa mga taong nastranded dahil sa mas pinahigpit na enhanced community quarantine sa Bicol Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO), sinabi nitong humigit kumulang sa 200 katao na ang pansamantalang pinatuloy sa kampo.
Ang naturang mga tao ang naharang sa junction road ng Barangay Tabugon, Sta Elena, Camarines Norte papasok ng Bicol region mula sa Quezon Province.
Matapos ang ilang proseso, inilipat na aniya ang mga ito sa quarantine area sa lalawigan ng Camarines Norte.
Tiniyak naman ni Belleza, na lagi silang handang tumulong para maghatid ng mga naapektuhang Bicolano para makauwi ng ligtas sa kanya-kanyang mga lugar.
Samantala, mahigit 1,000 na sundalo na rin aniya ang naideploy ng 9th Infantry Division sa iba’t ibang lalawigan sa Bicol.
Muli naman itong nanawagan sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na sumuko na at tulungan sila sa pagbibigay ng assistance sa mga kababayang Bicolano na apektado ng enhanced community quarantine.