-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Army na chief ng Army Social Media Center si Capt. Alexander Cabales na tinukoy na operator ng mga network pages na tinanggal ng Facebook dahil sa coordinated inaunthentic behavior (CIB) laban sa mga aktibistang grupo at legal groups.


Bukod kay Cabales, dalawa pang sundalo ang tinukoy na nakilalang sina Corporal Bruce G. Mayam-o at Private First Class Ricky Boy Castro.

Ayon kay Zagala sina Mayam-o at Castro ay mga miyembro ng Army’s Civil-Military Operations Regiment.

Si Cabales ang administrator ng “Hands off our Children” habang si Mayam-o ang administrator ng isang private group na SOCIAL MEDIA OPERATION TRAINING CL-02-18.

Si Castro naman ang administrator ng SOCIAL MEDIA OPERATION TRAINING FOR CMOSET JOLO SULU.

Sinabi ni Zagala si Cabales ay miyembro ng PMA Class 2008, isang combat officer, miyembro ng Army Scout Ranger at naging spokesperson ng 10th Infantry Division na naka base sa Davao bago naging chief ng social media center ng Phil. Army.

Binigyang-diin ni Zagala sa sandaling may maghahain ng reklamo laban sa mga nasabing sundalo agad nila itong paiimbestigahan at kung mapatunayang may ginawang paglabag ang mga ito mananagot ang mga nasabing sundalo.

Makikipag-ugnayan din ang Philippine Army sa Facebook para linawin sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng Coordinated Inauthentic Behavior (CIB) na siyang naging basehan sa pagtanggal nito ng ilang mga Facebook pages na may kaugnayan umano sa AFP at PNP.

Binigyang-diin naman ni Zagala na ang Philippine Army ay maingat sa lahat ng kanilang ginagawa lalo na at mataas ang kanilang trust rating na ayaw nila itong masira.