-- Advertisements --

Nananatiling naka-alerto ang Philippine Army kasabay ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) ngayong araw, Disyembre 26.

Ayon kay Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, puspusan ang isinasagawang internal security operations ng mga sundalo, lalo na sa mga lugar na pinaniniwalaang pinagtataguan pa ng mga rebeldeng grupo upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino habang nasa gitna ng selebrasyon ng holiday.

Ito ay sa kabila ng hindi na pagdedeklara ng heightened alert kasabay ng anibersaryo ng CPP.

Ayon sa Army colonel, bagaman hindi na kailangang itaas ang alerto, mananatili ang mahigpit na military operations sa mga naturang lugar upang masigurong hindi makakapagsagawa ng kaguluha ang rebeldeng hanay tulad ng ginagawa sa mga nakalipas na taon – kadalasan ay isinasabay din sa anibersaryo ng komunistang grupo.

Batay sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tinatayang aabot na lamang sa 1,500 fighter ang bilang ng mga rebelde.

Ito ay malayong-malayo mula sa tinatayang 25,000 rebelde noong 1980’s.