Isusulong ng Philippine Army ang kanilang recruitment program para mas mapaghandaan ang pagtatanggol ng lupain ng bansa.
Ito ang sinabi ni Phil. Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad matapos ang matagumpay na dalawang araw na recruitment caravan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio grandstand nitong nakalipas na Sabado at linggo.
Ayon kay Trinidad, halos 2,000 aplikante ang nagpalista sa recruitment caravan kung saan 1,212 ang nag-apply bilang enlisted personnel; 500 bilang officer candidate; at 138 bilang Civilian Human Resource.
Kabilang sa mga units ng Phil. Army na tumanggap ng mga recruits ang: Aviation Regiment, Armor Division, Signal Regiment, Civil Military Operations Regiment, 51st Engineer Brigade, Special Forces Regiment (Airborne), First Scout Ranger Regiment, Army Support Command, Army Artillery Regiment, at Civilian Personnel Management Branch ng Philippine Army Office of the Assistant Chief of Staff for Personnel (OG1, PA).
Habang tumanggap naman ang Philippine Army Office of the Assistant Chief of Staff for Reservist and Retiree Affairs (OG9, PA) ng mga interesadong maging ROTC cadets at miyembro ng reserve force.
Ang recruitment caravan ay bahagi ng isang buwang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Phil. Army.