Tiniyak ng Philippine Army ang aktibong pakikibahagi nito sa ‘Exercise Carabaroo’ kasabay ng pagsisimula nito sa Darwin, Australia.
Nagpadala ang Phil Army ng delegasyon na binubuo ng 125 na sundalo na pinamumunuan ni Governance and Strategy Management Office (GSMO) Chief Col. Jesus C. Pagala mula sa 5th Infantry Division (5ID).
Ang mga naturang sundalo ay hinugot mula sa iba’t-ibang mga units ng Phil Army na kinabibilangan ng 5th Infantry Division na nakabase sa probinsya ng Isabela, Training and Doctrine Command, Army Artillery Regiment, Army Signal Regiment, Army Support Command, Special Forces Regiment (Airborne), First Scout Ranger Regiment, at Combat Engineer Regiment.
Ayon kay Phil. Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, magiging bahagi ang mga sundalo ng malawakang training exercises at iba’t-ibang military simulation.
Mahaba na aniya ang kasaysayang pinagsasamahan ng Pilipinas at Australia lalo na sa military at defense cooperation kung saan nakakatulong ito sa paghubog sa kakayahan at kahusayan ng mga sundalo ng bansa.
Samantala, kabilang din sa mga bahagi ng naturang military exercise ay ang mga sundalo ng US, UK, at Timor Leste.