Tiniyak ng Philippine Army ang pinansyal na suporta sa mga pamilya ng tatlong sundalong nagsakripisyo ng kanilang buhay sa tangkang pigilan ang pag-atake ng dalawang umano’y bombers sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu.
Kinilala ni Phil Army Spokesperson Lt Col. Ramon Zagala ang tatlong sundalong nasawi na sina: Corporal Richard P. Macabadbad, Privates First Class Dominique C. Inte and Recarte D. Alban, Jr.
Ang tatlo ay biktima ng unang pagsabog nang tinangka nilang pigilan ang isa sa dalawang suicide bomber na makapasok sa kampo ng Army’s 1st Brigade Combat Team in Barangay Kajatian, Indanan, Sulu.
Habang ang pangalawang bomber naman ay napigilan ng iba pang mga sundalo bago ito tuluyang makapasok sa kampo pero pinasabog rin nito ang dalang bomba na ikinasugat naman ng 12 sundalo.
Nagpahayag ng pakikiramay ang Pamunuan ng Phil Army sa pamilya ng tatlong sundalong nasawi, na kinilala bilang mga bayani na umakto “above and beyond the call of Duty” sa pagbubuwis ng kanilang buhay para maiwasan ang pagkasawi ng mas marami pa nilang mga kasamahan.
Sinabi ni Zagala, makakatanggap ang mga pamilya ng tatlong sundalo ng Command Special Financial Assistance from the Headquarters Philippine Army at Burial Assistance na P80, 000.
Bukod dito, makakatanggap din sila ng benepisyo mula sa Comprehensive Social Benefits Program (CSBP) ng Office of the President’s Social Civic Projects Fund (SCPF) tulad ng Special Financial Assistance sa halagang P500, 000, Educational Assistance sa dalawang dependents at Shelter Assistance mula sa National Housing Authority.