-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinabulaanan ng embahada ng Pilipinas sa South Korea ang kumakalat na balita na mayroong Pilipino sa nasabing bansa na nagpositibo sa coronavirus disease 2019.

Ito ay sa gitna ng dumaraming bilang ng taong naaapektuhan ng nasabing sakit sa South Korea base sa pinakahuling datos ng World Health Organization (WHO).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Philippine embassy in South Korea consul general Christian de Jesus, sinabi nito na mas pinahigpit pa umano nila ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan lalo na sa mga miyembro ng Filipino community sa South Korea maging sa Center for Disease Control ng nasabing bansa upang mabantayan ang kalagayan ng mga Pinoy sa South Korea.

Aniya, kahapon pa umano nang isinailalim ni South Korean President Moon Jae-in ang kanilang bansa sa pinakamataas na alerto kaugnay sa mabilis na pagkalat ng COVID- 19.

Tiniyak din nito na sa ngayon ay nananatiling kalmado ang lahat ng mga nasa South Korea at wala ring panic buying na nangyayari sa mga pangunahing bilihin lalo na sa face masks.