Magpapasaklolo na ang gobyerno sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) para maglabas na Blue Notice laban sa mga suspeks sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Mico Clavano, isa ito sa mga hakbang ng justice department partikular duon sa mga suspek sa pagpatay kay Gov. Degamo.
Batay sa INTERPOL ang color-coded notice ay isang international request alerts na pinapayagan ang mga miyembro ng pulis sa ibat ibang bansa na makibahagi sa tinaguriang critical crime-related information.
Ito ay inilalabas ng General Secretariat batay sa hiling ng isang member country.
Ang ibig sabihin naman ng Blue Notice, na kailangang kumulekta pa ng dagdag na impormasyon kaugnay sa identity ng isang personalidad,location or activities kaugnay sa isinasagawang criminal investigation.
Inihayag ni Atty. Clavano sa pamamagitan ng nasabing notice, maaring imonitor ng gobyerno ang galaw ng umano’y mga respondents.
Dagdag pa ni Clavano, kapag nailagay na ang mga suspek sa international lookout magkakaroon na rin ng records ang bansa kung saan sila pumunta, anong petsa sila umalis sa isang bansa.
Nasa 10 indibidwal ang iniimbestigahan ngayon ng pamahalaan hinggil sa Degamo slay case.
“Mas marami pa po ‘no sa sampu iyong na involved sa investigation ho natin. Lumalabas po sa mga statements na mayroon po tayong parang layering na tinatawag ‘no – so mayroon po tayong mga gunmen, mga directly involved po doon sa assassination bilang driver, lookout iyong mga ganoon… tapos meron ho tayong handler or parang middleman ‘no na tinatawag. So ito iyong nagsisilbing parang layer of security doon sa ating mastermind,” pahayag ni Clavano.
Binigyang-diin din ng opisyal na malakas ang case buildup laban sa mga suspek.
Kabilang sa itinuturong umano’y mastermind ay si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, subalit hanggat walang malakas na ebidensiya na magdidiin sa mambabatas, inosente pa rin ito.
“We cannot condemn ‘no, we have to let the wheels of justice turn. Hindi tayo pwede mag-convict sa media agad-agad, kailangan po dumaan sa tamang proseso,” dagdag pa ni Clavano.
Sa ngayon nasa walong kaso pa ang inihain laban sa mambabatas bukod sa isang kaso na illegal possession of firearms ang ibinasura ng korte.
“So iyon po ‘no, gusto ko lang linawin iyon na, yes, na-dismiss po iyong kaso ni Congressman Arnie Teves doon sa isang kaso pero hindi po ibig sabihin na klaro na po iyong kaniyang record. Marami pa po siyang hinaharap na kaso ng illegal possession of firearms and explosives kasama po iyong mga anak niya and he still considered one of
the suspects/as a mastermind behind the slay of Governor Degamo,” paliwanag ni Atty. Clavano.