-- Advertisements --

Ipinagbunyi ng Philippine Navy ang ang pagkapanalo bilang Binibining Pilipinas-Universe ng kanilang Navy reservist na si Corporal Beatrice Luigi Gallarde Gomez.

Ayon kay Rear Admiral Dorvin Jose Legaspi, ang commander ng Naval Reserve Command, si Gomez ay patunay na hindi lang korona ng reyna ang kayang suotin ng kababaihan kundi maging bota ng madirigma.

Ayon kay Legaspi, bilang isang aktibong reservist, malaki ang naitulong ni Cpl. Gomez sa pagsulong ng misyon ng Naval Reserve Center–Eastern Visayas sa kanyang pakikilahok sa community-oriented activities sa lalawigan ng Cebu.

Sa katunayan aniya, habang naghahanda para sa kanyang Binibining Pilipinas pageant, nagsilbi bilang “weekend warrior” si Cpl. Gomez sa mga outreach at feeding program sa mga baranggay ng Cebu City.

Ayon pa sa opisyal, ang dedikasyon sa tungkulin at pagmamahal sa serbisyo ni Cpl. Gomez ay nagsisilbing inspirasyon sa kanyang mga kapwa Cebuano na ang pagsisikap ay may gantimpala.

Si Cpl. Gomez ay nag-enlist bilang Naval reservist matapos manalo bilang Binibining Pilipinas-Cebu noong nakaraang taon.