Naghatid ng tulong ang Philippine Navy sa probinsya ng Batanes na nakaranas ng hagupit ng bagyong Kiko.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson Commander Benjo Negranza, sakay ng BRP Dagupan City (LS551) ang daan-daang bottled water mula sa Maynilad, limang libong USAID Family Food Packs (FPPs) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang relief items mula sa pribadong organisasyon.
Naging kaagapay nila ang Marine Battalion Landing Team 10, reservists, Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang grupo.
Agad naman ipinamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Batanes ang mga donasyon sa mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng bagyo.
Muling tiniyak ng Navy ang kanilang pangako na paghahatid ng tulong sa malalayong lugar sa bansa lalo na sa panahon ng kalamidad.