Pinabulaanan ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea RAdm. Roy Vincent Trinidad ang ipinakakalat ng China na nagpapalaganap ng malawakang polusyon ang BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng inilabas ng China na video footage na nagpapakita umano sa mga tropa ng Pilipinas na nagsusunog ng mga basura sa BRP Sierra Madre, ang barkong isinadsad ng bansa sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Trinidad, isang ‘fire drill’ ang ginawa ng mga tropa ng pamahalaan na nakabase sa naturang outpost.
Ang agarang pagpalabas ng China ng video nang hindi inaalam ang tunay na pangyayari ay bahagi aniya ng pagpapakalat ng naturang bansa ng maling impormasyon.
Bahagi rin aniya ito ng ‘deceptive messaging’ na dinadala ng Chinese Communist Party.
Una na ring pinasinungalingan ni National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) spokesperson Jonathan Malaya ang claims ng China at iginiit na walang katotohanan na gumagawa ng polusyon ang mga tropa ng pamahalaan na nakabase sa BRP Sierra.
Iginiit din ng opisyal na sa halip na sirain ang WPS ay pinapangunahan pa ng mga tropa ng gobiyerno ang pag-protekta sa naturang karagatan mula sa polusyon, basura, atbpa.