Lalo pang mapapalakas ang anti-warfare capability ng Philippine Navy ngayong natanggap na ng hukbo ang bagong biling surface-to-air-missiles (SAM) na nakatakdang ikabit sa dalawang brand new frigate ang BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna na siyang primary weapons nito.
Ayon kay Philippine Navy Flag-Officer-in-Command Vice Admiral Adeluis Bordado, ang surface-to-air-missiles ay ang kauna-unahang missile procurement ng gobyerno at bahagi ito sa Frigate Acquisition Project na naglalayon para i-modernize ang hukbo para mapalakas pa ang maritime defense capability.
Sinabi ni Bordado, itinuturing nilang game changer para sa hukbo ang pagdating ng bagong missile at mas magiging modern at multiple-capable na ngayon ang Philippine Navy.
Batay sa ulat ng The Asia Pacific Defense Journal, binili ng Philippine Navy ang mga nasabing missiles sa halagang 10.69 million euros o katumbas sa P625.95 million sa pamamagitan ng isang negotiated deal sa French missiles firm na MBDA.
Sa kabilang dako, tumanggi naman si Bordado sabihin kung ilang SAM ang kanilang binili.
Nakatakda ding ikabit sa dalawang frigate ang CWIS o ang closed in weapon system.
Dumating noong October 8, 2021 sa Subic Bay International Airport ang Mistral 3 SAMs.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Demy Zagala, sa pagdating ng nasabing kagamitan mas lalo pang mapapalakas ang capability ng Philippine Navy para protektahan at idepensa ang teritoryo ng bansa.