-- Advertisements --
PRC Covid Positive rescued red cross

Ikinalungkot ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagtrato ng ilang mamamayan sa mga nagpositibo sa coronavirus.

May kaugnayan ito sa naging pag-rescue nila ng isang nurse matapos na palayasin ng kaniyang landlady matapos na magpositibo sa coronavirus.

Sinabi ni Dra. Zenaida Beltejar, consultant ng Philippine Red Cross Welfare services, nakakalungkot na masaksihan niya nang personal ang nangyaring pag-rescue nila sa isang customer care representative nurse na pinalayas sa kaniyang tinutuluyan sa lungsod ng Makati.

Sa naging panayam niya sa nurse na si “Gem,” unang ipinaalam niya sa kaniyang land lady ang resulta ng kaniyang kalagayan subalit nag-text ang kaniyang landlady na dapat umalis na ito sa kaniyang tinutuluyan.

Nagpalaboy-laboy ito sa lungsod ng Makati at nakarating pa siya sa Pasay City.

Hindi rin ito makauwi dahil pinayuhan siya ng kaniyang kaanak na dapat maging negatibo muna ang resulta ng kaniyang test.

Nagtungo rin ito sa barangay health center ng Olympia, Makati subalit hindi rin ito nakakuha ng tulong.

Inilapit na lamang siya ng kaibigan sa Philippine Red Cross at doon naabutang nakaupo sa gilid ng kalsada sa kahabaan ng Southville sa Makati City.

“Nung naghahanap po ako ng matutuluyan ko, wala po akong makita sa Makati. Hanggang dun po ako nakarating sa Pasay, dun po ako naka-check in,” ani “Gem” sa kuwento sa Red Cross. “Nung pumunta po ako, ang sabi sa ‘kin, sarado raw ang barangay health center… Ang sabi po sa ‘kin, ‘Sinasabi ko sa’yo, di ka matutulungan dito.’ May binigay sa ‘kin na contact number. Landline po, kaya di ko po ma-contact.”

Nanawagan na lamang si PRC chairman Sen. Richard Gordon na dapat magkaroon ng tamang polisiya ang mga barangay sa pagtugon sa mga pasyente na nagpostibo sa coronavirus lalo na at isang nurse pa na mahalaga sa paglaban sa pandemya.

Ang nasabing pangyayari aniya ay isang malaking diskriminasyon lalo na at isang medical frontliners pa ang nadapuan ng coronavirus.

Umaasa ang senador na agad na maipasa ang kaniyang panukalang batas na pagbabawal ng diskriminasyon sa mga COVID-19 patients at maging ang may mga sakit.