Ikinagagalak ng Cultural Center of the Philippines (CCP) President Arsenio Lizaso ang pagkakataon na makapagtanghal ng live ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Lizaso na ikinalulugod nilang maimbitahan sa mahalagang pagtitipon ng mga matataas na opisyal ng bansa para sa SONA ng Pangulo at maibahagi sa mga ito ang kanilang talento.
Ang pagtatanghal aniya ng nasa 64 na miyembro ng PPO sa SONA ay pagpapakita lamang nang pagpapahalaga sa sining.
Ayon pa kay Lizaso, sasalubungin nila ng mga Filipino classics ang Presidente at entourage at iba pang bisita nito.
Sila rin aniya ang magpe-perform ng pambansang awit sa pormal na pagbubukas ng 18th Congress.
Ang kanilang performance ayon kay Lizaso, ay alinsunod na rin sa ninanais ng beteranong direktor na si Joyce Bernal na gawing kakaiba ang SONA ngayong taon.
Gayunman, ang kanilang performance ay libre at sila ay masaya raw gawin ito para sa bansa.