-- Advertisements --

Inumpisahan na ng Senate blue ribbon committee ang imbestigasyon sa isyu ng korupsyon sa Department of Health (DOH) at PhilHealth.

Kaugnay ito ng naging privilege speech ni Sen. Panfilo Lacson tungkol sa umano´y conflict of interest sa posisyon ni Health Sec. Francisco Duque III at sa kompaniyang pagmamay-ari ng kanilang pamilya.

Pinarentahan umano ng pamilya Duque sa Philhealth ang gusali ng pamilya Duque sa Pangasinan.

Dito ay nagkaroon daw ng anim na taong kontrata ang Philhealth Regional Office sa Ilocos sa isang gusali sa Dagupan City na pag-aari ng Educational And Medical Development Corporation ng mga Duque.

Sinasabing nagsimula ang kontrata noong June 2012 at nagtapos noong December 2018.

Conflict of interest ito ayon kay Lacson dahil sa pagiging DOH secretary noon at ex-officio chairperson ng PhilHealth simula noong October 2017.

Sa speech ni Lacson, sinabi rin nito na nagpapatuloy pa ang pagbabayad ng PhilHealth sa kontrobersiyal na WellMed Dialysis Center sa kabila nang pagkansela na sa accreditation nito dahil sa pagkakasangkot sa umano´y mga pekeng claims.

Present sa hearing si Duque, gayundin ang kapatid nitong si Philippine Coconut Authority Administrator Gonzao Duque, maging si dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin, ilang kinatawan ng National Bureau of Investigation, at iba pang inimbitahang resource person sa pagdinig.