-- Advertisements --

Nagsanib-pwersa ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Commission on Higher Education (CHED) para palakasin pa ang suportang pangkalusugan para sa mga mahihirap na mag-aaral at kanilang pamilya.

Ginawa ito sa pamamagitan ng paglagda ng isang memorandum of understanding (MOU) ng CHED sa pangunguna ni Secretary Popoy De Vera at PhilHealth sa pangunguna naman ni President Edwin Mercado.

Sa ilalim ng naturang kasunduan, pagsasamahin ang Philhealth coverage para sa mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program (TDP) sa ilalim ng CHED-UniFAST.

Aatasan naman ang mga state universities and colleges (SUCs) bilang contact centers para sa mga serbisyong pangkalusugan.

Sa isang statement, sinabi ng CHED na saklaw ng naturang inisyatiba ang tinatayang kalahating milyong mga benepisyaryo ng CHED-UniFAST TES at Tulong Dunong Program dahil kabilang ang mga ito sa pinakamahirap na sambahayang nakalista sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Listahan.

Ayon pa sa CHED, papabilisin ng partnership na ito ang pagproseso sa mga claim para sa Konsulta benefits at masisiguro ang episyenteng paggamit ng mga payment sa mga paaralan at sa mga lokal na pamahalaan.