-- Advertisements --

Nangako ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tatalima ito sa temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema sa paglilipat ng P29.90 billion na natitirang labis na pondo sa national treasury.

Sa parte naman ni Solicitor General Menardo Guevarra, nirerespeto umano niya ang kautusan ng SC. Ang opisina nga ng SG ang humiling noon sa SC na ibasura ang petisyon na kumukwestiyon sa excess funds ng Philhealth at ikinatwirang ang paglilipat ay legal at hindi labag sa right to health ng taumbayan.

Ginagalang din ng Department of Finance ang interbensiyon ng SC sa naturang usapin. Sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto, bilang isa din siyang public servant, kinikilala niya ang karapatan ng bawat mamamayan para humingi ng solusyon mula sa mga korte. Tiniyak din ng kalihim na tatalima ang DOF sa kautusan ng korte.

Subalit muling binigyang diin ni Sec. Recto na ang paglilipat ng sobrang pondo ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) ay mandato sa ilalim ng batas o General Appropriations Act 2024 na inaprubahan ng Kongreso.

Una rito, nitong Martes, naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court En Banc para pigilan ang paglipat ng sobrang reserve funds ng PhilHealth sa national treasury. Pinag-isa naman ng Korte ang mga petisyong inihain ng 1SAMBAYAN Coalition at ang mga naunang inihaing kaso nina Sen. Koko Pimentel at Bayan Muna Chairman Neri Colmenares.

Kinukwestiyon ng tatlong petisyon ang pagbalik ng sobrang reserve funds ng mga GOCCs sa national treasury para pondohan ang unprogrammed appropriations. Pinagkokomento naman ang mga respondent sa petisyon ng 1Sambayan at sa aplikasyon nito para sa TRO o Writ of Preliminary injunction sa loob ng 10 araw.