-- Advertisements --

Agad vineto ng Board of Directors ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang ipinanukalang pagbili ng P37.5 million na halaga ng items para sa ika-30 anibersaryo ng state health insurer sa buwan ng Pebrero 2025.

Ang naturang halaga ay parte ng marketing and promotional expenses para sa official event ng Philhealth.

Sa isang statement, sinabi ng Department of Health na nagpasya ang board of directors ng Philhealth na pinamumunuan ni Health Secretary Ted Herbosa na kanselahin ang panukalang pagbili para makatipid sa pondo ng gobyerno at matiyak ang maayos na alokasyon para sa mga benepsiyo ng mga miyembro ng Philhealth kasabay ng paghimok para sa financial responsibility.

Kasama sa mga item na ipinanukalang bilhin para sa anibersaryo ng state health insurer ay mga payong na nagkakahalaga ng P7,910, 550.00, Perforated mesh stickers – P7,300,000.00, Tote Bags – P1,820,000.00, Anniversary shirts – P3,640,000.00, Marketing shirts (P1,940,000.00), Jackets (P13,650,000.00) , Katsa bags (P750,000.00) at Button pins (P545,000.00).

Samantala, sa panig naman ng Philhealth, una na nitong nilinaw kahapon, Miyerkules na nasa “few hundreds thousand pesos” lamang ang kanilang gugugulin para sa kanilang 30th anniversary para sa susunod na taon at hindi ang inisyal na planong P138 million.

Ginawa ni Philhealth president at CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang paglilinaw sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography matapos batikusin ng ilang mga Senador ang inisyal na panukalang pondo ng ahensiya para sa kanilang anibersaryo.