Hindi tiyak si Philhealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr kung kakatigan ng Philhealth Board of Directors na tapyasan ang mandatory premium contribution ng mga miyembro nito.
Ito ang sinabi ni Ledesma sa pagdinig ng Committees on Health and Demography at Finance.
Bagamat nagpahayag ng suporta si Ledesma sa isinusulong ng Senado na tapyasan ang kontribusyon ng mga miyembro mananaig pa rin aniya ang desisyon ng Board.
Sa kasalukuyan, tumatayong chairman ng Philhealth board si DOH Secretary Ted Herbosa at vice chairman naman si Ledesma.
Una na aniyang nagpahayag ng pagtutol si Herbosa na tapyasan ang 5% mandatory premium contribution ng Philhealth members sa 3.25% dahilan kung bakit hindi pa tiyak kung maisasakatuparan ito ng ahensya.
Samantala, sinabi naman ni Senador Christopher “Bong” Go, si Ledesma ang tumatayong presidente at mukha ng Philhealth kaya’t malaking timbang ang magiging rekomendasyon nito sa board.
Kinwestiyon din ni Go kung mananatiling pangako na lamang ang pagrekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa pagtapyas sa kontribusyon.
Depensa ni Ledesma, irerekomenda niya ito sa pangulo sa oras na bigyan siya ng clearance ng Board of Directors.
Ngunit kung hindi aniya pumayag ang Board ay hindi siya direktang makapagsasabi sa pangulo.
Gayunpaman, tiniyak ni Ledesma na patuloy nilang pag-aaralan at ipi-presenta sa buong board ang isinusulong na pagtapyas sa mandatory premium contibiution ng Phlhealth members.