Tiniyak ni Senate Minority leader Franklin Drilon na isa sa mga unang tatalakayin ng Senado ang kaso ng umano’y korupsyon sa loob ng PhilHealth pagpasok ng 18th Congress.
Tugon ito ni Drilon sa kontrobersyang may kinalaman sa sinasabing “ghost dialysis treatment” na binayaran umano ng PhilHealth sa WellMed Dialysis Center.
Agad daw na maghahain ng resolusyon ang hanay ng minorya sa Senado para imbestigahan ng Committee on Health at Blue Ribbon ang mga opisyal ng state health insurance corporation.
Sa isang panayam sinabi ni Drilon na hindi maaaring palampasin ng basta ang kaso lalo na’t sakop ito ng kakaapruba lang na Universal Healthcare Law.
Aminado ang mambabatas na matagal ng usap-usapan ang katiwalian sa loob ng PhilHealth at patunay lang ang panibagong kaso ng tila hindi patinag na sistema ng ilang opisyal.
Nauna na ring nagpahayag ng imbestigasyon ang isa rin sa mga akda ng batas na si Sen. Risa Hontiveros pagpasok ng bagong Kongreso sa darating na Hulyo.
Bukod dito, target din daw ng mga senador na umapela sa Commissio on Audit para sa ispesyal na pagsisiyasat sa lahat ng transaksyon ng PhilHealth.