Nanawagan ang ilang mga mambabatas sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipagpaliban muna ang pagtataas ng kontribusyon ng kanilang mga miyembro sa 2021.
Ayon kay Senator Imee Marcos, masyado raw marahas ang pagpapataw ng aniya’y karagdagang pasakit sa publiko.
“The demand for PhilHealth services is magnified due to health hazards of COVID-19 on top of the financial consequences of the pandemic,” saad ni Marcos sa isang pahayag.
“To impose an additional burden to contributors at this time is indeed cruel and unusual punishment,” dagdag nito.
Ganito rin ang tingin ni Senator Kiko Pangilinan, at iginiit na hindi ito ang tamang oras upang dagdagan ng sakit sa ulo ang mga miyembro ng state insurer.
“Matapos nilang ilustay at nakawin ang bilyun bilyon dadagdagan pa nila ang sisingil sa ating mga kababayan na sadsad na sa gastusin? Anong kahibangan ito? Nakaw pa more?” ani Pangilinan.
Una rito, sa anunsyo ng PhilHeath, tataas muli ang kontribusyon sa mga miyembro nito pagpasok ng susunod na taon.
Sang-ayon sa Universal Health Care law, ang premium rate ay tataas sa 3.5 percent mula sa dating 3 percent.
Ibig sabihin, magbabayad ng P350 na kontribusyon ang mga kumikita ng P10,000 pababa kada buwan mula sa dating P300.
Magbabayad naman ng P350 hanggang P2,449.99 ang mga sumusuweldo nang mas mataas sa P10,000 hanggang P69,999, depende sa kanilang basic salary.
Habang magbabayad ng monthly premium na P2,450 ang mga sumusuweldo ng P70,000 pataas.