Iligal umano ang release ng interim reimbursement mechanism (IRM) funds ng PhilHealth sa ilang ospital bago mag Hunyo 11, 2020, ayon sa Senior Vice President ng ahensya na si Atty. Rodolfo Del Rosario.
Pag-aamin ito ni Del Rosario matapos gisahin ni 1-Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committees on public accounts at good government and public accountability nitong araw ng Huwebes.
Natuklasan kasi na ang PhilHealth circular para sa release ng IRM funds o advance payments sa mga healthcare institutions na may mga claims ay valid lamang pagkatapos itong malathala sa mga pahayagan at mabigyan ng kopya ng dokumento ang Office of the National Administrative Register (ONAR) ng UP Law Center.
Ayon kay Marcoleta, Hunyo 11 na nang matanggap ng ONAR ang kopya ng circular ng PhilHealth patungkol sa IRM.
Samantala, sinabi naman ng Commission on Audit na P1 billion lamang sa P14 billion halaga ng IRM releases ang na-liquidate ng PhilHealth.
Nauna nang inakusahan ng korapsyon ni dati anti-fraud officer si Atty. Thorrsson Montes Keith ang mga top officials ng ahensya ng korapsyon gamit ang IRM.
Sa natura ring pagdinig ginisa ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang mga opisyal ng PhilHealth patungkol sa kanilang polisiya, kabilang na ang pamamahagi ng IRM funds sa iba’t ibang healthcare facilities sa bansa.
Inamin ni PhilHealth senior vice president Israel Francis Pargas na kahit may pending cases sa ahensya ang mga healthcare institutions (HCIs) ay nabibigyan pa rin ang mga ito ng emergency cash advance.
Ayon kay Pargas, ang sistemang ito ay napag-usapan sa executive committee meeting ng PhilHealth.
Sa nakalipas na pagdinig, sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor, chairman ng House committee on public accounts, na kabuuang P1.49 billion IRM funds ang naibigay sa 51 hospitals na may pending fraudulent cases.