Hindi gagastos ng milyon-milyong halaga ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa kanilang gaganaping anniversary party.
Ginawa ng ahensya ang naturang paglilinaw matapos na masita ng mga senador ang P138 million na gagastusin ng korporasyon sa kanilang 30th anniversary celebration.
Ayon kay PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. , sa halip na milyon-milyong halaga ay ilang libong piso na lamang ang kanilang gagastusin sa naturang selebrasyon.
Aniya, ang naturang halaga na umaabot sa P138 million ay proposal pa lamang ng ‘anniversary committee’ ng PhilHealth.
Nilinaw rin nito na hindi naman inaprubahan ng board ang milyong halaga ng gagastusin para sa anniversary celebration.
Una rito ay ipinag-utos ni Senadora Loren Legarda sa anniversary committee ng PhilHealth na isumite sa kanila ang report o memo na nagsasaad kung paano nabuo ang ideya sa paggastos ng P138-M.