Hinimok ni Senadora Loren Legarda ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gamitin ang kanilang surplus funds upang palawakin ang mga benepisyo at tiyakin ang maayos na implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Sinuri ni Legarda ang pondo at pamamahala ng PhilHealth matapos silang tanggalan ng P74-billion na subsidiya sa panukalang general appropriations para sa 2025.
Bunsod nito, aasahan ng PhilHealth ang kanilang surplus at reserve funds para pondohan ang operasyon sa susunod na taon.
Ayon kay Legarda, dapat gamitin ng PhilHealth ang PHP 150 billion surplus nito para matiyak na ang bawat Pilipino ay may access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan.
Iniulat naman ni PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco Jr. na ang ahensya ay may kabuuang assets na PHP 628.2 bilyon noong Oktubre 2024, kabilang ang PHP 281 billion reserve at PHP 150 billion surplus funds.
Bagama’t tinanggalan ng subsidiya, naglaan ang PhilHealth ng PHP 284.1 billon para sa Corporate Operating Budget nito sa 2025.
Ito ay mas mataas ng halos 10 porsyento mula sa PHP 259 billion noong 2024. Sa naturang pondo, PHP 271 bilyon ang ilalaan para sa mga benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth kasama na dito ang dinagdag na serbisyo at benipisyo ng korporasyon.
Ngunit, binigyang-diin ni Legarda ang pangangailangang palawakin pa ang mga benepisyo upang tugunan ang lahat ng pangangailangang medikal ng mga Pilipino.
Isa sa mga iminungkahi ng senadora ang pagtukoy sa mga Konsulta provider center na may kagamitan para sa breast screening, ultrasound, at mammogram.
Dapat umano itong ipaalam ng PhilHealth sa publiko sa pamamagitan ng social media at iba pang paraan.
Ipinaalala rin niya na ang Universal Health Care ay isang karapatan, hindi pribilehiyo.
“Ginawa ang UHC Law para masigurong pantay-pantay ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino. Kailangang gampanan ng PhilHealth ang kanilang tungkulin. Walang Pilipinong dapat maiwan pagdating sa kalusugan, “ani Legarda.